Saturday, May 16, 2020

Toteng bits and pieces... /Tagalog/

BY JPDSUMMERS24




- Ika-10 ng Oktubre, 1950 - ipinanganak si Luis Degallado. Tatay niya si Pablito Degallado. Nanay niya si Epifania Asturiano Natividad na binawian ng buhay dahil sa panganganak sa dapat na ikatlo sana sa magkakapatid. Ate niya si Tita Belen

- Hilot ang nagpaanak kina Tita Belen & Toteng. Isang dahilan kung bakit lumaki sila na walang birth certificate. Bukod sa nagkasakit o namatay ang hilot na nagpaanak sa kanila, napakahirap daw noong panahong yun ang magparehistro ng birth certificate. Sa kasamaang palad, hindi na mahanap sa NSO/PSA ngayon ang mga ipinanganak 1950 pababa. Ang meron sa kanilang file ay 1951 pataas

- Tanging matandang dokumento na naitago nila ay ang kanilang baptismal certificate na mas madaling makuha noon. Mali pa nga ang pagkakasulat ng apelyido, inihiwalay at ginawang "de Gallado"

- Lumaki sa Punta Sta. Ana Manila pero ang sabi sa akin, taga-Roxas City, Capiz ang mga kamag-anak

- Natatandaan ni Tita Belen na siya ang nagbansag sa kanya na "Toteng" sa di malamang kadahilanan kahit malayo sa totoong pangalan niya na "Luis". Hinuha ni Toteng, ito ay maaaring "two-ten" batay sa kanyang kaarawan na Oktubre 10 (10/10)

- Bata palang hikain na silang magkapatid, minsang nakipaglaro si Toteng sa mga kababata niya, umuwi ito sa kanyang tiyahin na si Nanay Ely na hirap na hirap huminga kaya hindi na siya nakapaglaro pagkatapos nun

- Dumating sa punto na pinakain sila ng piniritong butiki na popular na nakapagpapagaling daw ng hika noon. Pero ang pinaniniwalaan nilang nakapagpagaling sa hika nila ay yung pag-inom nila ng pinakuluang ugat ng isang punongkahoy

- Si Toteng ay sumigla na pagtapos nun. Matatandaang napakahusay nito lumangoy at ang praktisan niya ay ang Ilog Pasig na malinis pa noong panahong yun. Noong Grade 3 siya, kaya na niyang tawirin ang Ilog Pasig

- mahigpit ang pagbabantay ni Toteng sa kanyang Ate Belen. Ayaw na ayaw niyang may manliligaw dito. Sa madalas na pagkakataon, kapag may umakyat sa panliligaw kay Ate Belen, pagkababa nito ng bahay ay ipapagulpi ni Toteng sa mga tropa niya ang pobreng manliligaw

- Si Toteng ay mahilig kumanta. Meron siyang grupo na combo o banda noon na ang pangalan ay "Wolves". Siya ang lead vocalist at rhythm guitarist. Kinalaunan, binitawan niya ang paggigitara dahil sabi ng kanyang mga kagrupo, sila na ang bahala sa instrumento at mag-concentrate nalang siya sa pagkanta

- May sinalihang patimpalak si Toteng, hindi lang matandaan kung nanalo siya o hinde pero ang inawit niya ay "Michelle" ng Beatles

- Nakilala siya bilang "crooner" at marami ang mga nagkakagusto sa kanya dahil siya daw ay cute, sabi ni Tita Belen. Literal na cute kasi maliit lang kasi siya na 5'3" ang height

- Mahilig din siya at magaling sa basketball. May hawig ang estilo niya (sa tingin ko) sa laro kay Robert Jaworski pero galit siya kay Big J. Nagkita kasi sila nito sa isang practice game at nabulyawan siya kaya napakayabang ang impresyon niya kay Jawo. Ang paborito niyang manlalaro ay si Danny Florencio na tinaguriang original "Skywalker" at siempre si Samboy Lim

- Napakagaling din niyang gumuhit o magdrawing. Natatandaan ko noong bata ako, siya ang pinagdrawing ko kapag may project or assignment ako sa school. Pero tinigil niya ang pagddrawing saken para matuto daw ako magdrawing sa sarili ko (pero hindi ako natuto). Nabanggit niya na ang forte niya ay ang charcoal portraits. Meron ako naaalala noon na charcoal drawing niya sa sarili niya na naka-sideview siya

- Tinuruan niya ako maggitara elementary pa ako pero ayoko pa nung panahong yun kasi masakit sa daliri. Naengganyo ako maggitara noong bandang high school na ako kasi merong Battle of the Bands. Pero tuwing gusto ko gamitin ang gitara, ipinagdadamot niya saken. Napilitan ako mag-aral maggitara ng gabi kapag tulog na siya. Nadaan ako sa reverse psychology

- Naalala ni Tita Belen, dahil sobrang paborito ni Toteng ang Beatles, nabanggit niyang Paul & John ang ipapangalan niya sa magiging anak niya. At tinotoo nga niya. Pero nung panahong yun, dahil mas matimbang sa kanya si Paul McCartney, ang dapat na ipapangalan niya sa akin ay "Paul John", kaya ang palayaw ko ay "Pee-Jay". Pero may nauna na daw na nagpangalan ng ganito sa kalapit bahay, at dahil dumalaw si Pope John Paul II sa Pilipinas bandang Pebrero 1981, ginawa na niyang "John Paul". Bandang huli, mas nagustuhan na niya si John Lennon

- Paborito niyang banda ang Beatles ngunit ang boses na gusto niya ay yung lead vocalist ng Platters. Pagdating naman sa mga komposisyon o songwriting, gusto niya rin si David Gates ng grupong Bread. Ang isa sa pinakahuling nirequest niya sa akin na kopya ng kanta na ilagay sa cellphone niya ay yung "Some Good Things Never Last" ni Barry Manilow

- Mahilig din siya magbasa ng Biblia. Natatandaan ko nung bata pa ako, ikinwento niya saken ang brief summary ng kwento sa Biblia. Hindi man buung-buo, ikinwento niya mula creation sa Genesis hanggang sa pangyayari sa buhay ng Panginoong Hesus

- Naalala ko madalas niyang binibili na dyaryo ay yung People's Tonight (kasi ako yung inuutusan niya). Maning mani sa kanya yung tagalog na crossword puzzle na gawa ni Arnold Banares (kung di ako nagkakamali) pero nacchallenge siya sa english crossword ni Mon Lorenzo. Coincidentally, author si Mon Lorenzo ng reviewer books na Brain Blitz na meron din kaming copies noon, kumpleto ang series

- Meron siyang tinatawag na "lutong bara-bara" na sa natatandaan ko, maggigisa siya ng bawang at sibuyas, lalagyan niya ng patatas, carrots, giniling, tapos may konting sabaw. Voila! Lutong bara-bara. Pero alam kong marunong siyang magluto ng matino, balak niya nga magtayo ng karinderya eh, so ewan ko kung bakit yung lutong bara-bara ang pinapasikat niya saken

- Bagaman hindi nakatapos ng pag-aaral, nakapagtrabaho si Toteng sa "Atlantic Gulf & Pacific Company of Manila Inc." o mas kilala bilang AG&P lalo na sa mga taga-Punta Sta. Ana. Naging union leader pa siya at naging popular doon

- Nakapagtrabaho din siya noon sa boutique shop ni Pilita Corrales bilang store manager. Naging talent coordinator din siya kung saan marami siyang natulungang amateur singers na matuto kumanta upang maipadala sa Japan

- Napakatiyaga niyang maglakad. Nilalakad niya araw-araw mula bahay hanggang Marketplace sa tapat ng Don Bosco sa may bandang Kalentong. Doon siya madalas nagrerelax sa 2nd floor sa may videoke

** Ilan lang sa mga bagay na naaalala ko. Batay sa pinagtagpi-tagpi at pinagtagni-tagning kwento mula sa usapan namin ni Daddy noong nabubuhay pa siya, at nung nagkwentuhan kami nina Tita Belen & Nanay Ely

** Kung meron kayong kwento kay Toteng, pakishare po, I'd be very happy to hear it

"Toteng"
October 10, 1950 - May 8, 2020

#Toteng
#TheDegalladoPatriarch



~ JPDSummers24 ~



Read: Controversy eXtraordinary
Visit: MCGI website
Bible App: Omega Digi Bible
YouTube: The Old Path